Friday, May 6, 2011

A Mother's Day Magnum Opus

“ HANDOG “

( Para kay Inay)

            Alam kong ang bawat tao sa ating buhay ay binigyan ng Diyos ng kanya-kanyang dahilan.  At kung ano man ang dahilan niya sa pag bigay sa amin ng isang ina ay hindi na mahalaga.  Basta kami ay lubos na nagpapasalamat na ikaw ang inilaan Niya para sa amin.  Ngunit sa pagdaan ng panahon ay unti-unting nagiging malinaw sa amin ang dahilan Niya.

            Hindi naging madali ang bawat oras ng buhay natin.  Kinailangang lumayo si ama para sa kinabukasan ng pamilya.  Tiniis mong malayo siya at gampanang mag-isa ang tungkulin ng isang ama’t ina.  Naging matatag ka sa bawat unos na hinarap mong mag-isa.  Nagsilbing ilaw at haligi ng munting tahanan.  Na minsa’y rumupok at unti-unting nasira, ng si ama’y ginupo ng karamdaman na ninais mong maibsan ang hirap na naranasan.  Di mo man aminin, pero ramdam namin na pinanghinaan ka ng loob.  Subalit pinilit mo pa rin na tumayo at maging malakas para sa amin. 

Itinayo muli ang rumupok na tahanan at sinimulan ang bagong buhay.  Mas malalakas na alon at hagupit ng hangin ang iyong sinuong.  Hapdi at sakit ang nadarama sa bawat araw na lumipas.  Dugo at pawis ang naging kabayaran sa bawat butil ng grasya sa hapag-kainan.  At sa lahat ng pagsubok na ito’y ngiti parin ang hatid mo. 

Mag-isa mong ginapang ang edukasyon namin.  Mag-isa mo kaming itinawid sa tulay ng kamang-mangan.  Alam naming di mo na ito kaya ngunit sige pa rin.  Di ka nagpatalo sa bawat hirap na ipukol sa’yo.  Ikaw ang nagbigay sa amin ng lakas.  Ikaw pa rin ang nagbigay sa amin ng dahilan para ipagpatuloy ang buhay.  Dahil ipinakita mo sa amin kung papaano tumayo at ituloy ang nasimulan gaano man ito kahirap.

Hindi namin kinailangan na tumigil sa pag-abot ng aming mga pangarap sapagkat naririyan ka lagi na umaalalay sa amin.  Ikaw ang mga mata ng bulag naming desisyon.  Ikaw ang tenga sa bingi naming reaksyon.  Ikaw ang aming saklay sa pilay naming kalkulasyon.  At ikaw ang aming buhay at inspirasyon.  Sablay man kung minsan ang hirit ng buhay, nagagawan mo lagi ng paraan.  Kulang man kung susukatin ay napagkakasya mo pa rin.

Dahil sa pagmamahal at pag-aaruga na ibinigay mo sa amin, ang buhay namin ay hindi naligaw ng landas.  Sa mga sakripisyong ginawa mo para sa amin, kami ay buong-pusong nagpapasalamat.

“Mahal na mahal ka naming lahat, Mama”


By: Maria Emma Salvador
(Excerpt from My Collection of
Poems and Literary Creations)

No comments:

Post a Comment